-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Nagpapatuloy ang search and rescue operation ng mga otoridad sa dalawang katao na nawawala sa ngayon matapos na bumaha sa Poblacion, Palembang, Sultan Kudarat.

Ayon kay Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer Jenel Tuanado, bumuhos ang malakas na ulan kagabi na dahilan kaya umapaw ang tubig-baha sa ilog.

Dahil ito, nasa 250 kabahayan ang pinasok ng tubig-baha kung saan 35 rito ang inanod.

Ayon rin kay Tuanado, lagpas na sa dalawang metro ang tubig-baha sa mga moderate areas ng Poblacion.

Dagdag pa ng opisyal, isolated ngayon ang naturang lugar matapos maputol ang tulay.

Sa ngayon, nasa mga evacuation centers na ang na-rescue na mga residente na karamihan ay tanging kanilang saplot lang ang nadala.