-- Advertisements --

DIPOLOG CITY – Patay ang dalawang miyembro ng tinaguriang Criminal Gang Muloc Group sa isinagawang law enforcement operation ng mga operatiba sa Quarry Site, Brgy. Candelaria, Liloy, Zamboanga Del Norte.

Kinilala ang mga napatay na suspek na sina Ebrahim Ahil, itinuturing na No. 1 most wanted person sa provincial level, at isang nagngangalang Jaripal Ahil.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO)-9, nauwi umano sa palitan ng putok mula sa panig ng pulisya at ng mga suspek ang pagsisilbi ng warrant of arrest sana laban sa dalawa na umabot pa sa humigit-kumulang limang minuto matapos umanong matunugan ng mga ito ang naturang operasyon.

Nagresulta naman sa pagkasugat ng dalawang suspek ang nasabing engkwentro kaya’t agat itong dinala sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Nakuha mula sa kanila ang dalawang hand grenade; dalawang .45-caliber na pistola; isang pouch at isang plastic bag na naglalaman ng maraming mga bala; dalawang magazine na may bala; isang tactical knife; at maraming iba pa.

Nabatid na ang dalawa ay nahaharap din sa kasong murder at attempted murder.