-- Advertisements --

Nadakip ang dalawang miyembro ng Dawlah Islamiyah terrorist group sa dalawang magkahiwalay na insidente sa Maynila noong nakaraang buwan na target umanong maglunsad ng pamomomba sa Metro Manila.

Ayon kay NCRPO chief Guillermo Eleazar, unang naaresto sa Binondo, Manila ang “most wanted” Abu Sayyaf Group (ASG) member na si Sen aka Abu Nas, alyas Suhud, Jul aka Sudais Asmad.

Si Asmad ay inaakusahang nandukot sa 15 empleyado ng Golden Harvest plantation sa Lantawan, Basilan noong 2011 at isa sa mga trusted man ni ASG leader Furuji Indama

Nagsisilbi rin itong liason at escort o guide ng mga Balik-Islam mula Luzon patungong Basilan province.

Nasa Maynila ito para kumuha ng financial support mula sa mga sympathizers ng teroristang grupo.

Sinampahan na rin ng patung patong na kaso si Asmad.

Nahuli naman noong Disyembre 25 ng mga nagpapatrulyang pulis ng Manila Police District (MPD) sa Quiapo, Manila si Jeran Sangcopan Aba alias Paito Pangadaman Liwal’g alias Abu Sinan, miyembro ng Dawlah Islamiyah na nagpaplanong maglunsad ng bomb attack sa Maynila noong holiday season at sa iba pang malalaking festivals.

Inamin ni Aba na siya ay dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong 2016 at naging bahagi ng Marawi Siege noong 2017.

Kasong paglabag sa RA 10591, RA 9516 at Resisting Arrest ang isinampa ng PNP laban kay Aba.