BACOLOD CITY – Arestado ang umano’y dalawang miyembro ng robbery hold-up group na tinuturong responsable sa serye ng nakawan sa lalawigan ng Negros Occidental sa operasyon ng kapulisan sa lungsod ng Bacolod kagabi.
Naaresto ng City Intelligence Unit (CIU) sina Romy Hituro, 34, ng Zone 12, Brgy. Handumanan, Bacolod City at Arnold Epogon Revera, 21, ng Hacienda Pula, Brgy. E Lopez, Silay City sa operasyon sa Sitio Badiang, Brgy. Sum-ag, Bacolod.
Sa panayam kay CIU head Police Lt. Col. Leonardo Borromeo, sinabi nitong miyembro ang dalawa nang tinagriang Epogon robbery hold-up group.
Naaresto ang dalawa matapos ang pagmanman ng CIU dahil sa ipinabot ding impormasyon sa kanila.
Ayon kay Borromeo, may plano ang grupo na umatake sa isang malaking kompaniya ngayong araw sa Bacolod kaya inunahan na nila ang mga ito.
Hinarang lamang ng CIU sa daan ang dalawa habang sakay ng kanilang motorsiklo kung saan nakasilid lang sa sako ang bitbit nilang mga armas, granada at bala.
Ang grupo ang itinuturong responsable sa paghold-up sa isang distillery sa bayan ng Murcia kamakailan lang, pagnanakaw at pagpatay sa guwardiya ng isang rice mill sa Bago City.
Ayon naman kay Bacolod City Police Office (BCPO) director Police Col. Henry Biñas, responsable ang grupo sa paghold-up sa Central Negros Electric Cooperative (CENECO) noong 2012.
Nakuha sa mga suspek ang isang M-16, tatlong 9mm, granada at live ammunitions.
Sinabi ng city director na mahaharap ang dalawa sa paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act†at COMELEC gun ban.