Pinasisibak na sa serbisyo ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang dalawang tauhan ng ng PNP Maritime Group na bumaril sa mangingisdang si Kiel Kintanar sa Cabadbaran, Agusan Del Norte noong July 10.
Nakilala ang dalawang pulis na sina Police Staff Master Sgt. Rizyl Torricer at Patrolman Ariel Jay Panes.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, naisumite na nila ang kanilang rekomendasyon sa Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) kahapon.
Paliwanag ni Triambulo, base sa isinagawang imbestigasyon, intensiyonal ang pagpatay ng dalawang pulis sa mangingisda.
Batay kasi sa report, nagpapatrolya ang dalawang pulis sa karagatang sakop ng Cabadbaran ng mamataan ang grupo nina Kintanar.
Pinahinto ng dalawang pulis ang grupo pero sa halip na huminto ay mabilis pang pinatakbo ang bangkang pangisda ng mga ito.
Dahilan para habulin ng dalawang pulis ang grupo nina Kintanar.
Imbes na magbigay ng warning shot ang dalawang pulis, binaril nito si Kintanar.
Inirekumenda ng IAS kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar na sibakin ang dalawang pulis sa serbisyo.