-- Advertisements --

akgrizal

Patay ang dalawang armadong lalaki sa engkwentro laban sa mga tauhan ng PNP-Anti Kidnapping Group (AKG) sa isinagawang checkpoint operation sa Marcos Highway, Sitio Painuman, Brgy. Inarawan, Antipolo, Rizal.

Ayon kay PNP-AKG Luzon field unit, head, Lt. Col. Villaflor Bannawagan, naganap ang engkwentro kaninang alas-5:40 ng umaga.

Kwento ni Bannawagan, pinara umano ng mga pulis ang dalawang lalaki na nakasakay ng motorsiklo na walang plaka pero hindi umano huminto ang mga ito sa checkpoint.

Nakatanggap kasi sila ng intelligence report na may riding-in-tandem na magsasagwa raw ng robbery hold up sa lugar.

Pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis dahilan para gumanti sila ng putok.

Patay ang dalawang suspek sa labanan na nakilalang sina alias Kelly at Roy na pinaniniwalaang miyembro nang tinaguriangMokong group.

Ani ni Banawagan, ang Mokong group ay sangkot sa robbery, kidnap for ransom at maging iligal na droga. Matagal na rin silang target ng AKG.

Pinamumunuan umano ito ng isang Ryan Dela Cruz na subject na ng warrant of arrest.

Nakuha naman sa encounter site ang kalibre .45 na baril, sub-machine gun at mga bala.