-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakakustodiya na ngayon sa Tagudin municipal police station ang dalawa sa tatlong miyembro ng Daga- Daga Termite Gang na nahuli sa Barangay Bitalag, Tagudin, Ilocos Sur kahapon.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, kinilala ni Police Chief Master Sergeant Joseph Jimeno ang mga suspek na sina Jonathan Mangliw ng Tabuan, Bessao, Mt. Province at Dumaliw Banagen, samantalang pinaghahanap pa sa ngayon ang nakatakas na kasamahan ng mga ito.

Kahapon ng madaling araw, naiwan umano ng tricycle driver na si Robert Jimeno ang kaniyang cellphone sa tricycle nito ngunit nang kaniyang balikan ay wala na.

Dito niya napansin ang isang FX na paikot-ikot sa lugar na kahina-hinala kaya inireport niya kaagad ito sa mga nagpapatrolyang barangay officials.

Nang ma-corner umano ang mga ito ang nasabing FX, lumabas ang dalawa sa tatlong sakay nito saka kaagad na tumakbo kaya kaagad na hinawakan ng mga barangay officials si Mangliw para hindi makatakbo.

Nakita sa loob ng sasakyan ang acetylyne tank, super kalan tank, hydraulic jack, hand grenade at kabra na pangunahing kagamitan ng mga miyembro ng termite gang na nambibiktima ng mga pawnshop at iba pang establisyimento.

Maliban sa mga ito, nakita rin sa loob ng FX ang nawawalang cellphone ni Jimeno.

Samantala, nahuli naman sa hot pursuit operation ang isa pang kasamahan ng suspek na si Dumaliw Banagen at nakatakas muli ang isa pang kasama nito.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang operasyon ng mga otoridad, upang mahuli ang nakatakas na kasamahan ng mga suspek.