Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group ang dalawang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority na nag e-escort sa isang mataas na opisyal ng gobyerno.
Ito ay matapos na maharang ang dalawa ng mga tauhan ng HPG-NCR sa kasagsagan ng kanilang ikinasang Oplan Wastong Hagad sa bahagi ng Diokno Avene sa Parañaque City kung saan pinapara ng mga ito ang lahat ng mga motoristang gumagamit ng blinker.
Nang parahin ng mga otoridad, dito na napag-alaman na hindi awtorisadong gumagamit ang naturang mga MMDA personnel ng “Police ” at “Master Rider’s badge” marking Sa kanilang mga motorsiklo habang nag e-escort sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Ayon kay HPG-NCR Director PCol. Neil Francia, maaaring magsilbing escort ang mga ito sa mga pulitiko ngunit ang paggamit aniya ng Police markings ang mahigpit na ipinagbabawal lalo na kung ang mga ito ay hindi naman lehitimong mga pulis.
Samantala, sa ngayon ay nasa kustodiya na ng PNP-HPG sa Kampo Crame ang dalawang MMDA personnel at kapwa nahaharap sa paglabag sa Usurpation of Authority at illegal use of uniform o insignia.