-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Namagitan na ang GPH-MILF, CCCH at LGU-Pikit sa muling pagsiklab ng labanan sa pagitan ng grupo nina Commander Uz. Gampong Ulympain, miyembro ng 105th Base Command ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF)-MILF at ang grupo ng Moro National Liberation Front (MNLF) na nakabase sa Sitio Buguak,Barangay Kalakalan, Pikit, North Cotabato.

Ayon kay Mayor Sumulong K. Sultan, ang nangyaring engkwentro ng dalawang grupo ay nauwi sa pagkasawi ng dalawang buhay sa panig ng miyembro ng MNLF.

Kaugnay nito, agad na nakiusap si Mayor Sultan sa pamunuan ng 105th Base Command upang hingin at pahintulutang makuha nang maayos ang naiwang dalawang bangkay sa panig ng MNLF.

Agad naman na dinala sa kani-kanilang pamilya ang mga nasawi upang mabigyan ng maayos na libing ayon sa kultura ng mga Muslim.

Napag-alaman na may matagal ng alitan ang dalawang grupo.

Kasabay nito, hinigpitan na rin ang seguridad sa buong lalawigan upang hindi na maulit pa ang engkwentro.