LEGAZPI CITY- Kumpirmadong pertussis ang tumama sa kambal na dalawang buwang gulang na sanggol sa Barangay Tamaoyan, Legazpi City.
Ayon kay Kapitan Sylvia Del Agua sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na dumaan sa mahirap na sitwasyon ang naturang mga sanggol subalit nasa ligtas na kondisyon na sa kasalukuyan.
Nananatili ang mga biktima sa ospital na patuloy at patuloy na inoobserbahan.
Bilang bahagi ng pag-iingat at pagsunod sa protocol ay naka-isolate na rin ang magulang ng mga sanggol at nagsasagawa ng contact tracing.
Kwento ng opisyal na magi-isang buwan pa lamang ng makauwi ang naturang pamilya sa lungsod ng Legazpi matapos ang pamamlagi sa Sorsogon.
Aminado si Del Agua na nahihirapan sila sa pag-trace ng pinagmulan ng virus dahil hindi naman aniya inilalabas ang mga sanggol simula ng makauwi ang mga ito sa Legazpi City.
Samantala, sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng mga hakbang ang barangay upang hindi na kumalat pa ang pertussis sa lugar.