-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay ang dalawang magnanakaw ng motorsiklo at dalawa ang naaresto ng pulisya sa engkwentro sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Tatuan Makabangan alyas Midjuban Mungkas, isang barangay treasurer ng Brgy Luanan, Aleosan, Cotabato at Homidi Akmad alyas Midie, residente ng Brgy Kilangan, Pikit, Cotabato.

Sugatan naman at nahuli sina Juhali Bigkog Masdal alyas Lex na nakatira sa Brgy Tunggol Datu Montawal Maguindanao at Ali Nhor Madali, taga-Pikit, Cotabato.

Ayon kay Cotabato Police Provincial director Colonel Henry Villar, unang nagnakaw ng motorsiklo ang mga suspek sa Brgy Upper Bulanan, Midsayap, Cotabato.

Agad nakapagsumbong sa mga pulis at Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) ang mga residente kasama ang ninakawan ng motorsiklo.

Nang dumaan ang mga suspek sa BPAT outpost sa Brgy New Panay ay saka hinarang sila ngunit hindi tumigil at nagpaputok ng kanilang mga armas kaya gumanti ang mga tanod.

Agad nagresponde ang pinagsanib na pwersa ng Midsayap at Aleosan PNP kung saan hinabol ang mga suspek at iniwan ang tatlong nakaw na motorsiklo.

Sa pursuit operation ay natunugan ng mga pulis ang mga suspek na nagtatago sa masukal na bahagi ng Purok Mangga, Brgy New Leon Aleosan, Cotabato, imbes sumuko ay nagpaputok ng kanilang baril, resulta ng ilang minutong palitan ng bala sa magkabilang panig.

Dalawa sa mga suspek ang nasawi at dalawa naman ang nahuli ng mga pulis.

Narekober sa mga magnanakaw ng motorsiklo ang isang kalibre .45 na pistola, isang .38 revolver, mga bala, magazine at ilang pakete ng shabu.

Sa ngayon ay nakapiit na sa costudial facility ng Midsayap PNP ang dalawang suspek matapos malapatan ng gamot sa kanilang sugat at nakatakdang sampahan ng kaso.