CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa dalawa katao ang nasawi sa baha sa probinsya ng Cotabato.
Unang biktima ay ang anim na taong gulang na bata na si Alimoden na residente ng Barangay Kalbugan, Pikit, Cotabato.
Lumikas sa baha ang bata kasama ang kanyang ina at apat na taong gulang na kapatid ng biglang tumaob ang kanilang sinasakyang bangka.
Nalunod ang biktima at naisugod pa sa pagamutan ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Ang ikalawang nasawi sa baha ay si Guiamona Alim Mamadra, 38, na nakatira sa Sitio Salaked, Barangay Talitay, Pikit, Cotabato.
Nalunod si Mamadra sa lagpas taong baha sa kanilang bahay at hindi na nito kinayang iligtas ang kanyang sarili para lumikas.
Namahagi na rin ng ayuda ang LGU-Pikit sa mga pamilya na apektado ng baha.
Sa ngayon ay mataas pa rin ang lebel ng baha sa bayan ng Pikit dulot ng pag-apaw ng Pulangi River dahil sa malakas na buhos ng ulan.