-- Advertisements --

Iniulat ng DOH ang ikalawang nasawi sa Pilipinas dahil sa mas nakakahawang Delta COVID-19 variant na unang na-detect sa bansang India.

Kinumpirma ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, na isang 58-anyos na babae ang nasawi matapos na magpositibo sa Delta variant o B.1.617.

VERGEIRE FEB10

Ayon pa kay Vergeire, nagkaroon ng sintomas limang araw mula ng magpakonsulta ang pasyente at malubha na ang kalagayan nito nang isugod sa emergency room at doon na binawian ng buhay.

Inaalam pa sa ngayon ng DOH kung ang naturang pasyente ay nakatanggap ng bakuna kontra COVID-19.

Samantala, nagsasagawa na ng intensive contact tracing ang DOH upang matukoy kung may local transmission sa naiulat na 11 local cases ng Delta variant sa Pilipinas.

Kaugnay nito, nilinaw ni Usec. Vergeire ang pagkakaiba ng local cases at local transmission.

Sinabi ni Vergeire, ang local cases ay mga variant na na-detect mula sa isang indibidwal na hindi returning overseas Filipino habang ang local transmission naman ay kapag mayroong ebidensiya na ang mga kaso ng COVID-19 sa isang komunidad ay magkakaugnay.

Pinunto rin ng kalihim na kailangan na matukoy ang pinagmulan ng mga naitalang 11 local cases ng Delta variant.