BAGUIO CITY – Ini-mbestigahan na ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health (DOH) – Cordillera ang dalawang kaso ng B.1.1.529 o Omicron variant na naitala ng Baguio City habang patuloy ang contact tracing sa lahat ng mga posibleng naging close contacts ng mga ito.
Napag-alaman na ang isang kaso ng Omicron variant ay close contact ng isang known COVID-19 case, asymptomatic at walang travel history sa labas ng Baguio, 14 na araw bago ang specimen collection noong December 14, 2021, kung saan lumabas sa resulta kinabukasan na positibo ito ng COVID-19.
Pinadala ang specimen nito sa Philippine Genome Center (PGC) noong December 23 para sa sequencing.
Nakaranas naman ng mga sintomas ang ikalawang kaso ng Omicron variant bagaman wala din itong travel history sa labas ng Baguio City, 14 na araw bago nito naramdaman ang mga sintomas.
Nakolekta ang specimen ng pasyente noong December 22 at lumabas sa report noong December 24 na positibo ito sa COVID-19.
Pinalada ang specimen nito sa PGC para sa sequencing noong December 28.
Sabay na lumabas ang resulta ng dalawa noong Sabado, January 15, 2022 kung saan positibo ang mga ito sa Omicron variant ng COVID-19.
Sa ngayon, mas lalo pang pinag-iingat ng DOH-Cordillera ang mga mamamayan ng Baguio sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga health protocols laban sa COVID-19.
Samantala, ipinagbabawal na ang paglabas ng bahay ng lahat ng mga unvaccinated minors o mga edad 17 pababa dito sa Baguio City.
Nakasaad ito sa Executive Order na pinirmahan ni Mayor Benjamin Magalong bilang proactive response para maprotektahan ang vulnerable age group mula sa mataas na positivity rate at bilang ng average cases sa loob ng isang araw dito sa Baguio.
Gayunman, pwedeng lumabas ang mga minors kung mahalaga ang kanilang lakad kung saan kinakailangan ang physical presence ng mga minors gaya ng medical reasons at kung dadalo ang mga ito ng recreational/wellness activities sa mga outdoor spaces.
Batay sa record ng City Health Services Office, 246 mula sa 4,607 active cases ng Baguio ay edad 11 pababa.