-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng nasawi dahil sa pagbaha na nararanasan sa limang bayan sa North Cotabato dulot ng walang humpay na pagbuhos ng ulan dala ng Inter Tropical Convergence Zone.

Ito ang inihayag ni Engr. Arnulfo Villaruz, chief for operation ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO North Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Engr. Villaruz, dalawa na ang nasawi matapos na maanod ng tubig-baha na kinilalang sina Bienvinido Andres Tiu, 59 anyos na residente ng Kidapawan City at Rahim Acub, 14 anyos na residente naman ng Mlang, Cotabato.

Inihayag ng opisyal na ang unang nasawi ay ang motoristang si Tiu matapos na sinubukang tumawid sa rumaragasang tubig sa isang over flow bridge sa bayan ng Magpet na sinundan ni Acub sa bayan ng Matalam matapos na nagtangka ding tumawid sa ilog.

Sa tatlong magkasunod na araw, nasa higit 3000 pamilya na ang apektado ng malawakang baha mula sa mga bayan ng Kabacan, Magpet, President Roxas, Matalam at Pikit.

Apektado ang nabanggit na mga lugar dahil daanan ang mga ito ng tubig-baha mula sa pag-apaw ng tubig sa malalaking ilog gaya ng Pulangi at Kabacan River.

Sa ngayon, patuloy na nakakaranas ng baha ang ilang mga barangay sa bayan ng Pikit kaya’t patuloy din ang monitoring nga PDRRMO-Cotabato.
Nananatili naman sa mga evacuation centers ang mga apektadong pamilya habang ipinasiguro naman ng opisyal na nabigyan ng agarang tulong ang mga ito.

Kasabay nito, nanawagan ang opisyal sa mga residente sa North Cotabato na manatiling alerto at vigilante at lumikas agad sakaling makaranas ng pagbaha, landslide o anumang kalamidad.