CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa dalawang katao ang nasawi sa nangyaring lindol sa probinsya ng Cotabato, alas 7:37 kagabi.
Unang nasawi ang isang pitong taong gulang na batang babae matapos na ito ay nadaganan nang bumagsak na pader sa loob na ospital sa kasagsagan ng lindol sa Tulunan, North Cotabato.
Ang biktima ay nagmula sa Datu Paglas, Maguindanao na dinala lamang sa pagamutan sa bayan ng Tulunan.
Binawian din ng buhay ang isang magsasaka na si Tony Panangulon na residente ng Brgy Gaunan, M’lang, Cotabato nang atakihin sa puso kasabay nang lindol.
May naitala ring sugatan sa probinsya ng Cotabato, mga bumagsak na pader, nagkabitak na mga tahanan, gayundin mga bumagsak na display ng mga tindahan at mga nasirang ari-arian.
Nanawagan na rin si Cotabato acting Governor Emmylou ”Lala” Mendoza sa lahat ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) na suspindihin ang klase sa lahat ng antas ngayong araw Oktubre 17 upang magsagawa ng wastong pagsusuri sa lawak ng mga pinsala sa kani-kanilang mga lugar.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang mga narasanasang aftershocks ng 6.3 na lindol sa probinsya ng Cotabato.