-- Advertisements --

Nag-iwan na ng dalawang kataong patay ang nangyayaring protesta sa Iran dahil sa biglaang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Tumaas kasi ng hanggang 50% ang umento sa oil prices kasabay ng pagbaba ng subsidiya sa petrol.

Depensa ng gobyerno, kailangan daw itong gawin upang labanan ang fuel smuggling.

Batay sa ulat, naitala ang isang patay sa lungsod ng Sirjan kung saan nagkaroon ng girian sa pagitan ng mga ralyista at mga pulis nang lusubin ng mga demonstrador ang isang fuel storage warehouse at pinagtangkaang sunugin.

Maliban dito, may isa ring naitalang patay sa siyudad naman ng Behbahan.

Kabilang din sa mga apektadong lugar ay ang kabisera ng bansa na Tehran, Kermanshah, Isfahan, Tabriz, Karadj, Shiraz, Yazd, Boushehr at Sari.

Sa ilan pang mga siyudad, hinarangan din ng mga galit na motorista ang mga kalsada sa pamamagitan ng pagpatay sa makina ng kanilang mga kotse at pag-abandona sa kanilang mga sasakyan sa gitna ng traffic.

Sinisi naman ni Prosecutor General Mohammad Jafar Montazeri ang ilang mga “disruptors” sa protesta.

Hinimok din nito ang kanilang mga mamamayan na dumistansya sa aniya’y mga nais ipakita ang kanilang pagtutol sa Islamic system. (BBC/ Al Jazeera)