-- Advertisements --

Patuloy na inaalam at iniimbistigahan ng kapulisan ang pagkakakilanlan ng mga naagnas na dalawang bangkay na natagpuan sa isang bakanteng lote sa bayan ng Binalonan.

Ayon kay Police Staff Sergeant Friedrich Orpilla, Duty Investigation Officer ng Binalonan Municipal Police Station, bandang alas-4 ng hapon noong sabado nang tumawag sa kanilang istasyon si Brgy kgwd Eligio Esquibal ng Barangay Linmansangan sa naturang bayan na may natagpuang dalawang bangkay na nadiskubre ng residenteng si Federico Magno, 39 -anyos.

Sa salaysay ni Federico, habang naglalagay umano ito ng patibong para sa mga ibon at bayawak sa gitna ng bakanteng lote sa palayan ay nakita umano nito ang dalawang bangkay na nasa decomposition na.

Dagdag ni Orpilla, agad nilang pinuntahan ang lugar para magsagawa ng imbestigasyon kung saan sa tantiya nila ay nasa isang linggo na sa lugar ang mga bangkay dahil labas na ang mga buto ng ibang parte nito at hindi na malaman ang kanilang pagkakakilanlan at kasarian.

Kaugnay nito, nagsagawa na rin ang kanilang hanay ng follow up investigation at pinag aaralan na rin ang mga kuhang footage ng CCTV at mga taong nakatira malapit sa naturang lugar .

Maliban dito, nagflash Alarm na rin ang kanilang hanay sa ibang himpilan para matukoy kung may nawawalang tao sa kanilang lugar ngunit wala pa umanong nag-claim sa mga biktima.

Samantala, nailibing na ang mga labi sa Binalonan Public Cemetery.

Panawagan naman ng pulisya, kung sino man ang may nawawalang kaanak ay magtungo sa kanilang istasyon.