CEBU CITY – Patay ang dalawang suspected marijuana cultivator matapos nakipagpalitan umano ng putok sa mga otoridad sa isinagawang marijuana eradication noong Sabado, Setyembre 18, sa Sitio Kaloctogan, Barangay Pangamihan sa ng Toledo.
Kinilala ang mga napatay sa operasyon na sina Eduardo Cabiles, Jr. at isang kinilalang “Gilbert.”
Arestado naman ang tatlong iba pa na sina Reymark Cabiles, Renante Cama-ongay, at Envaristo Camaongay alias Jr., habang nagawa namang makatakas ng isang kinilalang si Ryan Cabiles.
Ayon kay Major Alejandro Batobalonos, hepe ng PNP Special Operations Unit-7, paalis na sana sila sa lugar kasama ang mga nahuli matapos nilang mabunot at masunog ang P2 million na halaga ng fully grown marijuana pero nang madaanan nila ang bahay na umano’y pagmamay-ari ni Eduardo Cabiles Sr. bigla na lang silang pinaputukan kaya gumanti ang mga otoridad at nagresulta sa pagkamatay ng dalawang suspek.
Narekober naman ng mga otoridad ang isang 9mm Engram, isang AR15, isang .45 caliber pistol, at mga drug paraphernalia pati na rin ang limang kilo ng pinatuyong marijuana na nagkakahalaga ng P5,000.
Sinabi pa ni Batobalonos na kilala ang pamilya Cabiles sa lugar na nagtatanim ng marijuana at ito rin umano ang kanilang kabuhayan.
Meron namang mga pending na warrant of arrest mula sa korte ng Danao City at Toledo ang mga nahuli dahil sa pagtatanim ng marijuana.