CENTRAL MINDANAO – Nasawi ang dalawang katao at dalawa naman ang nahuli sa inilunsad na law enforcement support operation ng mga otoridad sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Ronnie Mangansakan at ang kanyang anak na si Banji Mangansakan.
Naaresto naman sina Gotires Antipolo at Nissan Mangansakan, mga residente ng Barangay Macasendeg, Pikit, Cotabato.
Ayon kay 602nd Brigade commander B/Gen. Roberto Capulong na habang nagsasagawa ng anti-illegal drugs operation at search warrant operation ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) katuwang ang 34th Infantry Battalion Philippine Army, 90th IB at Pikit MPS laban sa mag-amang Mangansakan.
Papalapit pa lang daw ang raiding team sa kuta ng kanilang target ay agad silang pinaputukan.
Napilitan umano ang mga otoridad na gumanti ng putok kaya dalawa sa mga suspek ang nasawi at dalawa ang naaresto.
Narekober sa mga suspek ang dalawang M16 Armalite rifles, dalawang M14 rifles, isang M79 grenade launcher, mga bala, mga magazine at 200 grams na shabu na nagkakahalaga ng P1.3 milyon.
Ang mga suspek ay may warrant of arrest mula sa korte na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga, illegal possession of firearms at iba pa.
Pinuri naman ni 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander M/Gen. Juvymax Uy ang matagumpay na operasyon ng pulisya, PDEA at militar.