ROXAS CITY – Patay ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo matapos araruhin ng Toyota Hilux sa bayan ng Ivisan lalawigan ng Capiz
Sa ulat ng Bombo Radyo Roxas, ang mga biktima ay kinilala na sina Alyas Leo, 48 na taong gulang at si alyas Ben, nasa wastong edad at pawang mga residente ng barangay Poblacion ng naturang bayan.
Habang ang driver naman ng Hilux ay kinilalang si Alyas Joel, 45 at nakatira sa Brgy. Ginalingan Nuevo, Dingle, Iloilo.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, ang mga biktima ay mula sa bayan ng Ivisan at papunta sa kalapit na bayan ng Sapian habang ang driver na si Joel ay papunta sa bayan ng Ivisan ng ito ay mawalan ng control sa manibela dahil sa madulas na daan.
Dahil sa malakas ng impact ng pagkabangga ay tumilapon ang mga biktima at nagtamo ng malubhang sugat sa katawan.
Agad namang dinala sa ospital ang mga ito ngunit binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital.
Inihahanda na ang mga dokumento para sa pagsampa ng kaukulang kaso laban sa driver ng pickup.