CAUAYAN CITY – Dalawa ang nasawi matapos na mabangga ng isang wing van ang isang motorsiklo sa bypass road sa Bagahabag, Solano, Nueva Vizcaya.
Ang mga nasawi ay ang magkaangkas sa motorsiklo na sina Lito Gulla, 27-anyos at John Mark Gulla, 31-anyos, kapwa construction worker at residente ng Maasin, Quezon, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Anthony Ayungo, hepe ng Solano Police Station, sinabi niya na binabagtas ni Gulla sakay ng motorsiklo ang bypass road habang sumusunod naman sa kanya ang wing van truck na minamaneho ni Manny Bautista, 48-anyos at residente ng Uddiawan, Solano, Nueva Vizcaya.
Lumabas sa kanilang pagsisiyasat na patungong Bayombong Proper ang mga biktima at nang makarating sa intersection ay bahagyang tumigil ang motorsiklo upang bigyang daan ang mga tumatawid na sasakyan subalit nasalpok sila ng sumusunod na wing van.
Pumailalim ang motorsiklo at nakaladkad ang mga biktima sanhi para magtamo sila ng malubhang sugat sa katawan.
Agad silang dinala sa pagamutan ng mga tumugon na kasapi ng Bureau of Fire Protection (BFP) Solano at Solano Police Station subalit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Ayon kay PMaj. Ayungo walang nakainom sa mga sangkot na tsuper subalit posibleng hindi kabisado ng tsuper ng wing van ang intersection.
Muli siyang nagpaalala sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho lalo na kung hindi kabisado ang binabagtas na kalsada.
Una na rin aniyang napagpulungan at nahingan na rin ng pondo ang paglalagay ng streetlight sa naturang bahagi ng bypass road.
Pagpapatayo sa mga EDCA sites sa 5th Infantry Division, PA, sisimulan na sa huling bahagi ng 2023 at unang bahagi ng 2024.