Tuloy-tuloy daw ang pakikipag-ugnayan ng embahada ng Pilipinas sa India sa pamilya ng dalawang nasawing Pinoy na nagtatrabaho sa naturang bansa matapos tamaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Philippine Ambassador to India Ramon Bagatsing, agad anong binawian ng buhay ang naturang mga Pinoy workers dahil Abril 23 noong ito ay nabalitaan niya at kahapon lamang ay namatay na ang mga Pinoy.
Ang naturang mga Pinoy ay naka-confine at naka-isolate na raw at sa social media na lamang nila nakakausap para dalhan ng kanilang mga pangangailangan.
Sa ngayon, todo raw ang pag-iingat ng mga Pinoy sa India dahil ipinatutupad pa rin ang mahigpit na lockdown.
Sa kasalukuyan, nasa 2,000 Pinoy daw ang nagtatrabaho sa India.
Karamihan daw sa mga ito ay nasa maayos namang kalagayan at lahat ng mga Pinoy doon ay nagtutulungan.
Samantala, maliban naman sa dalawang namatay, sinabi ni Bagatsing na 20 Pinoy din sa India na dinapuan na ng COVID-19 at kasalukuyan nang nagpapagaling.