Nakarating na kaninang 4:45am sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Port sa lalawigan ng Zambales ang mga Pilipinong mangingisda na nasagip kabilang ang 2 na nagtamo ng second degree burn mula sa pagsabog ng makina ng kanilang bangka habang namamalaot sa Bajo de Masinloc na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Batay sa ibinahaging video ng Philippine Coast Guard, makikita ang nasugatang Pilipinong mangingisda na inililipat mula sa BRP Sindangan patungo sa naka-standby na ambulansiya.
Makikita din ang natamong second degree burn ng mangingisda sa kaniyang kanang braso at binti.
Itinurn-over ng CCG crew ang 2 nasugatan sa SBMA Public health and Safety Department para dalhin ang mga ito sa pinakamalapit na ospita para sa karagdagang medical assistance.
Matatandaan na nangyari ang insidente noong Hunyo 29 dakong 17 nautical miles timog-kanlurang bahagi ng Bajo de Masinloc. Nagkataon naman na nagsasagawa ng pagpapatroliya ang barko ng PCG na BRP Sindangan sa naturang karagatan at agad na idineploy sa pinangyarihan ng pagsabog at nilapatan ng first aid ang 2 nasugatang mangingisda.
Inisyal ding tinangka ng CCG at PLA Navy vessels na nasa lugar na harangin ang humanitarian mission ng PH subalit sinabi ng PCG sa isang statement na nang ipaalam sa panig ng China ang nangyari, dineploy ng CCG ang rigid-hull inflatable boats nito at nag-alok ng tulong sa mga nasugatang Pilipinong mangingisda.