-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Napadpad sa island barangay ng Tinopan, Rapu-Rapu, Albay ang dalawang mangingisda mula sa Virac, Catanduanes na una nang naiulat na nawawala noong Disyembre 7.

Kinilala ang mga ito na sina Jimuel Borja, 16-anyos at John Paul Vargas, 25-anyos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Virac MDRRMO Operations chief Mark Matira, maayos umano ang lagay ng mga ito at kasalukuyang nasa pangangalaga ng barangay.

Nabatid na sumabay sa agos at nilangoy lamang ng dalawa ang dagat hanggang sa makarating sa isla.

Hindi pa nagkakausap sina Matira at ang dalawa upang alamin ang eksaktong lokasyon kung saan nagkahiwa-hiwalay ang mga ito ng isa pang nawawalang mangingisda na si Fernando Vargas, 48-anyos.

Mas mapapabilis aniya kasi ang paghahanap sakaling makapaglunsad ng aerial search and rescue operation sa perimeter ng isla kung saan natagpuan ang dalawa.

Sa kabilang dako, pakiusap naman nito sa mga mangingisda lalo na sa mga may maliliit na sasakyang-pandagat na huwag na munang maglayag lalo pa’t may nakababalang gale warning sa eastern coast ng Bicol.