Nasagip ng mga mangingisdang Chinese ang dalawang mangingisdang Pilipino na napaulat na nawawala sa Palawan noong nakalipas na buwan matapos ang 12 araw sa West Philippine Sea (WPS) ayon sa kumpirmasyon ng Western Command (WesCom).
Tinukoy ni Vice Adm. Alberto Carlos, WesCom commander na ang mga nasagip na mangingisda ay sina Jerome Fortu at kaniyang pamangkin na si Jaybogs Fortu na kapwa residente ng Mamburao, Occidental Mindoro.
Napag-alaman na namalaot ang dalawang mangingisda noong Enero 23 subalit naubusan sila ng fuel habang nasa dagat dahilan para mapadpad ang kanilang bangka sa West Philippine Sea.
Nananatiling stranded ang mga ito sa karagatan at natagpuan ng isang unidentified Chinese fishermen na malapit sa Dalas Bank na tinatayang 100 nautical miles northwest ng El Nido, Palawan noong Pebrero 4.
Dinala kalaunan ang mga mangingisda sa Camp Ricarte Station Hospital kung saan sila nilapatan ng medical attention na nakaranas ng dehydration at idineklarang nasa stable ng kalagayan.
Ang ipinakitang pagtulong ng Chinese fishermen ay dalawang araw bago naman nangyari ang pagtutok ng Chinese Coast Gurd vessel ng military-grade laser light sa Philippine Coast Guard ship sa may Ayungin shoal sa WPS na nagdulot ng pansamantalang pagkabulag sa mga crew ng PCG.