Isinailalim na sa quarantine ang dalawang NBA players makaraang aksidenteng umalis ang mga ito sa Disney World campus sa Orlando, Florida.
Ito’y ilang linggo na lamang bago magpatuloy muli ang mga laro sa 2019-20 season, na pansamantalang sinuspinde bilang pag-iingat sa coronavirus.
Kinilala ang manlalarong lumabag sa mga protocol sa NBA bubble na sina Richaun Holmes ng Sacramento Kings at Bruno Caboclo ng Houston Rockets.
Sa isang pahayag, sinabi ni Holmes na lumampas daw ito sa campus line para i-pick up ang food delivery.
“After the initial quarantine period, I briefly and accidentally crossed the NBA campus line to pick up a food delivery,” pahayag ni Holmes sa Twitter. “I am currently in quarantine and have eight days left. I apologize for my actions and look forward to rejoining my teammates for our playoff push.”
Sa kaso naman ni Caboclo, umalis daw ito sa kanyang kwarto noong kanilang initial quarantine period matapos makarating sa Orlando.
Batay sa patakaran ng NBA, sinumang mahuhuling lalabas sa campus bunsod ng hindi otorisadong rason o lalabag sa initial quarantine period ay sasailalim sa reentry protocols ng liga.
Kinakailangan namang sumailalim sa test ang mga players nang dalawang beses na may agwat na 24 oras at magnegatibo para makalahok muli sa mga aktibidad.