Tinanggal na sa kanilang trabaho ang dalawang New York doormen na nagsara ng mga pintuan sa lobby ng apartment ng kanilang gusali habang ang 65-anyos na babaeng Pinay ay sinuntok at sinipa.
Pagmamay-ari ng Brodsky Organization ang building na matatagpuan sa 360 West 43rd Street sa Manhattan kung saan nangyari ang kontrobersiya at diretso nilang inimbestigahan ang insidente.
Nakita umano sa surveillance video na pinabayaan lamang ng dalawang empleyado ang ginawang pag-atake ni Brandon Elliot, 38, sa biktimang si Vilma Kari, 65, isang Filipina immigrant.
Kinasuhan na ng pulisya ang suspek ng assault at hate crime offenses.
Nauna nang nag-alok ng $2,500 dollars na reward ang may-ari ng gusali sa makapagtuturo sa lokasyon ni Elliot.
Si Elliot ang siyang sumipa at nanuntok sa biktima at sabay sigaw na “you don’t belong here.”
Nanggaling umano sa kulungan sa Elliot at kakalabas lang nito dahil sa kasong pagpatay sa kanyang sarili ina.
Ang nasabing pang-aatake ay isa sa pinakabagong kaso ng anti-Asian hate crimes.
Kahapon ay isinagawa ang pagdinig sa kaso ni Elliot pero hindi ito dumalo.
Ilang grupo naman ng mga Asian-Americans ang nagsagawa ng rally sa Manhattan. (with reports from Bombo Jane Buna)