Hindi na nakapalag pa ang dalawang pinaghihinalaang illegal recruiters ng sila ay arestuhin ng mga operatiba ng CIDG ATCU kanina alas-7:00 ng umaga sa loob ng isang fastfood chain sa Vito Cruz, Maynila matapos na tanggapin ng dalawa ang boodle money na hinhingi nila sa walong biktima.
Nakilala ang mga suspek na sina Luz Barroga at Gloria Sanchez na parehong taga Pangasinan.
Inireklamo ng mga biktima ang mga suspek matapos malaman mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na hindi lisensyado ang dalawa na mag recruit ng manggagawa para sa ibayong dagat.
Anila, mula pa noong nakaraang taon ay pinangakuan na sila ng mga suspek ng trabaho bilang dairy farm workers sa Japan at sila ay nauna nang nakapagbigay ng tig P50,000 sa mga suspek bilang placement fee, medical fee at iba pang bayarin umano sa pag proseso ng kanilang mga dokumento.
Dagdag pa nila na patuloy na nanghihingi ng pera ang mga suspek sa kanila subalit hindi naman sila napapaalis.
Agad na nagsumbong sa CIDG ang mga biktima at kaninang umaga ay natimbog ang dalawa sa ikinasang entrapment operations ng CIDG.
Kasong large scale illegal recruitment at large scale estafa ang inihahanda laban sa dalawang suspek.
Nanawagan ang CIDG sa mga nabiktima nang illegal recruiters o may nalalaman impormasyon tungkol sa mga illegal recruiting activities na agad ipagbigay alam sa CIDG-Anti-Transnational Crime Unit upang agarang matigil na ang iligal na gawaing ito at maaresto.
Binigyang-diin din ng CIDG ATCU na nitong nakalipas na mga araw ay apat na mga pinaghihinalaang kasapi ng Amor Baruelo illegal recruitment syndicate, ang nauna na ng nahuli ng CIDG ATCU sa magkahiwalay na entrapment operasyon.
Ang Baruelo Group ay pinaghihinalaang isang malaking sindikato na nakapambiktima na ng mahigit sa isang libong Pilipino na nais magtrabaho sa ibang bansa