-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Police Brigadier General Joselito Esquivel Jr., regional director ng Police Regional Office (PRO-13) ang pagka-aresto ng dalawang matataas na opisyal ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa ginawang operasyon dakong alas-6:30 ng gabi sa may Barangay Limaha, Butuan.

Nakilala ang mga naaresto na sina Nori Torregosa, 37, residente ng Purok 1, Brgy Maasin, Esperanza, Agusan del Sur, ang Intelligence Staff ng North Central Mindanao Regional Committee, at ang live-in partner nitong si Melissa Comiso, 38-anyos, na finance officer naman ng CPP-NPA Komisyon Mindanao.

Ayon kay Police Brigadier Gen. Esquivel Jr. nahuli sina Torregosa at Comiso sa bisa ng search warrant na inilabas ni Presiding Judge Emmanuel E. Escatron ng Regional Trial Court Branch 4 sa Butuan City dahil sa loose firearm.

Napag-alamang si Comiso ang in-charge sa pamamahala sa koleksyon at distribusyon ng extortion money sa Mindanao habang si Torregosa naman ang responsable sa pagkolekta at pag-analisa ng makukuha nilang mga impormasyon.

Ang nasabing mga suspek ay pinaniniwalaang may sapat na kaalaman hinggil sa extortion activities hindi lamang sa Caraga, kundi pati na sa buong Mindanao.

Nakumpiska sa operasyon ang dalawang granada, isang kalibre .45 na baril na may anim na bala, magazine, isang .38 revolver na may tatlong bala, limang blasting caps na may wire connector at switches, isang rolyo ng detonating cord, apat na Laptops, limang cellular phones, subersibong documento at passport.