BACOLOD CITY – Dalawang pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nahuli kasunod ng nangyaring engkwentro sa pagitan ng 79th Infantry Battalion at kumunistang grupo sa Escalante City, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa commander ng 303rd Infantry Brigrade na si Brig. Gen. Benedict Arevalo, naganap ang sugapaan sa Sitio Maitum, Barangay Old Poblacion, Escalante City.
Nakatanggap umano ng impormasyon ang 79th IB na may presensya ng armadong grupo sa nasabing lugar dahilan kung bakit kaagad na rumesponde ang tropa hanggang sa madiskubre nila ang lokasyon ng mga rebelde at dito na nagsimula ang engkwentro na tumagal ng 10 minuto.
Base naman sa report ng 79th IB, mabilis na nakatakas ang mga NPA members ngunit naiwan sina Jomarie Agustin “Ka Mari,” residente ng Barangay Salamangca, Toboso, at Revely Tayab “Kar Tara”, ng Barangay Bago, Salvador Benedicto.
Ayon kay Arevalo, si Agustin ang miyembro ng SPARU North Negros Front at nahaharap sa kasong murder dahil sa pagpatay nito sa pulis at isa pang indibidwal sa lungsod ng Escalante noong 2013.
Narekober naman sa dalawa ang dalawang .45 caliber pistol at walong mga bala.