CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay sa isinagawang military operation ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) habang anim ang arestado sa Sitio Ngaran, Barangay Kipilas, Kitaotao-Bukidnon.
Ito ay kasunod pa rin sa mas pinaigting na “focused military operation’ sa mga lugar na kumpirmadong pinagtataguan ng mga rebelde sa Northern Mindanao.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni 403rd Infantry Battallion (IB), Philippine Army commander Col. Edgardo de Leon, na magsasagawa sana ng information validation ang kanilang Community Support Team sa presensiya ng armed group subalit papasok pa lamang sila ay pinapuputukan na.
Ngunit dahil maganda aniya ang tactical manuevering sa tropa ni 3rd IB commander Lt. Col. Oscar Partuza kaya napatakbo ang mga rebelde hanggang nahabol ang mga ito at napatayan ng ilang kasamahan.
Nakumpiska rin ng militar ang mga baril na kinabilangan ng AK-47, M653 rifle, M16 rifle, tatlong caliber 45 pistols, improvised explosive device, combat pack, personal belongings, at subversive documents.
Kaugnay nito ,sinabi rin ni Armed Forces of the Philippines Eastern Mindanao Command commander Lt. Gen. Felimon Santos Jr., na hinikayat nito ang ibang mga rebelde na sumuko na para makapag-bagong buhay.
Napag-alaman na nakatutok ang tatlong military division sa Bukidnon kaya nahatak na nila sa mas mabundok na bahagi ang mga engkuwentro laban sa mga rebelde.