NAGA CITY – Patay ang dalawang kasapi ng New People’s Army (NPA) matapos ang magkahiwalay na engkwentro sa lalawigan ng Camarines Sur.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa 9nth Infantry Division Philippine Army, nabatid na unang nakasagupa ng tropa ng pamahalaan ang hindi pa matukoy na bilang ng mga rebeldeng grupo sa bayan ng Pasacao.
Tumagal ang nasabing engkwentro ng halos 15 minutos na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa mga miyembro ng rebeldeng grupo.
Samantala, umabot naman sa 10 miyembro ng NPA ang nakasagupa ng tropa ng pamahalaan sa bayan naman ng San Fernando
Sa halos 10-minuto sagupaan, patay ang isang liason at finance officer nang tinaguriang Randy Olitoquit extortion group na kinilalang si Arnel Olitoqiut.
Kaugnay nito, narekober sa pinangyarihan ang isang KG9 9mm assault rifle; isang magasin na kargado ng labing isang bala; tatlong basyo ng bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril at iba pang mga personal na kagamitan.
Sa likod nito, wala namang naitalang nasugatan sa hanay ng tropa ng pamahalaan.
Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad sa mga iba pang nakatakas na kasapi ng nasabing rebeldeng grupo.