-- Advertisements --

NAGA CITY – Dalawang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) na naman ang binawian ng buhay matapos makasagupa ang tropa ng pamahalaan sa Brgy. San Vicente, Lupi, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Col. Paul Regencia, tagapagsalita ng 9th Infantry Division, Philippine Army, sinabi nitong pasado alas-12:30 ng Lunes ng hapon nang makasagupa ng tropa ng 9th Infantry Battalion at Provincial Mobile Force Company ang tinatayang nasa humigit kumulang sa 15 mga rebelde.

Tumagal ng halos 30 minuto ang palitan ng putok ng dalawang panig na nauwi sa pagkamatay ng dalawang pinaniniwalaang mga bandido.

Maliban dito, narekober din sa lugar ang pitong high-powered firearms.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang clearing operation ng mga otoridad sa lugar nang pinangyarihan.

Kung maaalala, kamakailan lamang ng dalawang NPA rin ang binawian ng buhay sa engkwentrong naitala sa islang bayan ng Caramoan.