-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Patuloy pang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) na namatay sa engkuwentro sa pagitan nila ng mga elemento ng 62nd Infantry Battalion sa Sitio Agpapatao, Brgy. Binobohan, Guihulngan City, Negros Oriental.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Col. Inocencio Pasaporte, pinuno ng 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army, sinabi nito na hindi bababa sa 10 miyembro ng NPA ang nakasagupa ng mga sundalo pasado alas-6:10 nitong Biyernes ng gabi habang nagsasagawa ang mga ito ng combat operation.

Ito ay kasunod ng report ng mga concerned citizens na may presensiya ng rebeldeng grupo sa lugar at nagdudulot ng takod sa mga residente.

Ayon kay Pasaporte, nagkasalubong ang dalawang grupo at nagpalitan ng putok na umabot sa mahigit 10 minuto kung saan dalawang rebelde ang namatay.

Narekober naman sa pinangyarihan ng engkwentro ang dalawang .45-caliber pistol; isang .38-caliber pistol; apat na .45-caliber magazine na may mga live ammunitions; 38-caliber ammunitions; improvised shotguns; at mga dokumento.

Sinasabing miembro ang dalawang ng Special Partisan Unit (SPARU) ng NPA.

Sa ngayon, hinihintay pa na makababa ang bangkay ng dalawa upang makumpirma ang kanilang pagkakakilanlan.