BACOLOD CITY – Dalawang sinasabing miyembro ng New People’s Army ang patay sa engkwentro laban sa elite force ng PNP na naganap sa bayan ng Santa Catalina sa Negros Oriental kasabay ng ika-52 anibersaryo ng NPA ngayong Marso 29.
Batay sa report ng Negros Oriental Police Provincial Office, naganap ang engkwentro sa Brgy. Nagbinlod, Santa Catalina.
Nagpapatrolya umano ang mga miyembro ng Special Action Force alas-6:00 ng umaga nang kanilang nakaengkwentro ang armadong mga lalaki.
Matapos ang bakbakan, dalawang mga miyembro ng rebeldeng grupo ang namatay.
Narekober ng SAF sa encounter site ang isang M16 rifle, isang caliber .22 revolver magnum, mga bala, handheld radio at mga subersibong dokumento.
Wala namang namatay o nasugatan sa tropa ng pamahalaan.
Nabatid na nitong nakaraang linggo lamang, 10 NPA members din ang patay at isa ang naaresto kasunod ng sagupaan laban sa militar sa Guihulngan City, Negros Oriental.
Sa ngayon, siyam lang ang naidentify ng pamilya at ang naiwang isa ay ipinalibing na lang ng Guihulngan City government.