CENTRAL MINDANAO-Nakilala na ang dalawang nasawing mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa engkwentro ng militar sa probinsya ng Cotabato.
Ang mga ito ay sina alyas James na taga Paquibato District Davao City at alyas Nimno, taga Davao Del Sur parehong mga squad leader ng communist terrorist group.
Matatandaan na habang nagpapatrolya ang mga tauhan ng 72nd Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Rey Alvarado sa Barangay Malire Antipas North Cotabato ay nakasagupa nito ang tinatayang 30 NPA.
Tumagal ng kalahating oras ang palitan ng putok sa magkabilang panig dahilan nang pagsilikas ng mga sibilyan sa takot na maipit sa sagupaan.
Agad namang umatras ang mga rebelde sa pangunguna ni Kumander Joel ng NPA Guerilla Front 53 (GF53) ng Southern Mindanao Regional Party Committee (SMRC) patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Antipas.
Walang nasugatan sa mga sundalo habang dalawa ang napatay sa mga rebelde.
Narekober ng mga sundalo ang dalawang hindi pa kilalang bangkay ng mga NPA at nakuha sa kanilang posisyon ang isang M14 rifle,3 magazine,bandoller,IED,1 switch detonator,dalawang 7.62 mm link ball,mahahalagang dokumento ng mga NPA,cooking materials,medical paraphernalia,mga bala at mga personal na kagamitan.
Sa ngayon ay patuloy ang pagtugis ng 72nd IB sa mga NPA sa bayan ng Antipas at hangganan ng Magpet Cotabato.