-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Lumikas ang mga sibilyan nang atakihin ng mga myembro ng New Peoples Army (NPA) ang isang Detachment ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (Cafgu) sa probinsya ng Cotabato.

Ayon sa ulat ng 901st Brigade na sinalakay ng tinatayang 20 mga NPA sa ilalim ng Pulang Bagani Command ang Cafgu detachment sa Sitio Matindu Brgy Malibatuan Arakan North Cotabato.

Agad itong natunugan ng mga Para-Military Troopers na gumanti ng putok sa mga rebelde.

Dahil sa takot ng mga sibilyan na maipit sa engkwentro ay lumikas ito patungo sa mga ligtas na lugar.

Umabot ng labin-limang minutong palitan ng bala ng mga Cafgu at NPA.

Umatras ang mga rebelde nang matunugan nito ang paparating na pwersa ng 19th Infantry Battalion Philippine Army.

Walang nasugatan sa mga Cafgu ngunit may napaulat na dalawa umano ang nasawi at tatlo ang nasugatan sa mga NPA.

Kinomperma naman ni Arakan Chief of Police,Captain Jose Mari Molina na agad namang bumalik sa kanilang mga bahay ang mga lumikas na sibilyan.

Matatandaan na unang diniklarang Persona Non Grata ang mga NPA sa North Cotabato.

Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng mga Cafgu at 19th IB ang mga NPA sa Arakan Cotabato.