BUTUAN CITY – Patuloy pang inaalam ang identity ng dalawang bangkay ng New People’s Army (NPA) matapos ang naganap na engkwentro nitong nakaraang alas-3:00 ng hapon sa bukiring bahagi ng Brgy Mahagsay, sa bayan ng San Luis, lalawigan ng Agusan del Sur.
Ayon kay Lt. Col. Romeo Jimenea, commanding officer ng 26th Infantry Battalion, Philippine Army, nangyari ang bakbakan matapos matunton ng mga sundalo ang hideout ng NPA sa remote area ng nasabing barangay sa tulong ng concerned citizen.
Nakasagupa ng tropa ng pamahalaan ang hindi bababa sa 60 mga armado mula sa tinaguriang pinag-iisang grupo ng Sandatahang Platoon Pampropaganda sa ilalim ng Sub Regional Committee ng North Central Mindanao Regional Committee o NCMRC at Guerilla Front Committee 88.
Matapos ang 30 minutong bakbakan, tumakas ang mga rebelde sa iba’t ibang direksiyun ngunit iniwanan ang dalawa nilang kasamahan na wala ng buhay pati na ang narekober na dalawang AK-47 rifles, isang M16 rifle na may attached M203 grenade launcher at isang anti-personnel mine habang dalawang naman ang sugatan na nilalapatan na ngayon ng lunas.
Dagdag pa ni Lt Col Jimenea, nakuha nila ang impormasyon kaugnay sa kampo ng NPA matapos ang pagbaril patay ng makaliwang grupo sa isang Manobo noong Setyembre 15 sa KM 27, Barangay Mahayahay, sa nasabi ring bayan sa San Luis, Agusan del Sur kung saan ang itinurong suspek ng mga kaanak ng biktima ay ang tatlong mga rebelde.
Nakilala ang biktimang si Juben Mantambungan, na residente ng Barangay Baylo sa bayan ng San Luis.
Hindi na umano matiis pa ng tribal community ang kagagawan ng NPA kung kaya’t itinuro na nila ang ang hideout ng mga ito.