BUTUAN CITY – Humantong sa pagkamatay sa dalawang rebelding New People’s Army o NPA ang naganap na bakbakan pasado alas 6:10 ng umaga kahapon sa bukiring bahagi sa P-7, Brgy San Vicente, Prosperidad, Agusan del Sur.
Napag-alamang nagsasagawa ng Intensified Military Operations ang tropa sa Special Forces Team 904 ng 9th Special Forces Company, Philippine Army at nakasagupa ang tinatayang 10 mga rebelde sa pagpanguna ni Ka “Mansoy” at Ka “Marco”.
Matapos ang 10 minuto na sagupaan, tumakas ang mga rebelde ngunit naiwan ang mga bangkay ng kanilang kasamahan na sina Lonie Hainampos Pison, alyas Ka Marco, at Jessa Terol Empoy, isang Medic na nakahimlay ngayon sa isang punerarya sa P-9, Poblacion, Prosperidad, Agusan del Sur.
Sugatan naman sa nasabing engkuwentro ang sundalong si Technical Sergeant Gregorio M Baylon na dinala sa D.O Plaza Memorial Hospital.
Narekober rin sa pinangyarihan ang isang M1 Carbine; isang Backpack; isang Bandolier; personal na kagamitan at subersibong dokumento.