KORONADAL CITY – Dalawa lamang umano sa mahigit 100 mga OFWs sa Ukraine na taga-Socksargen ang nakauwi na sa Region 12 matapos na makasama sa repatriation dahil sa Russia-Ukraine war.
Ito ang inihayag ni OWWA 12 Regional Director Marilou Sumalinog sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal. Ayon kay Sumalinog ang dalawang OFWs ay kapwa nagmula sa lungsod ng General Santos kung saan kapiling na ng mga ito ang kani-kanilang pamilya.
Nakatanggap na rin ng tulong pinansiyal mula sa OWWA ang mga ito upang makatulong sa kanilang pananatili sa bansa.
Samantala, nasa higit 100 pa na mga OFW mula Region 12 ang mas piniling manatili sa nabanggit na bansa dahil sa ayaw nilang maiwan ang kanilang pamilya. Karamihan sa mga ito ay nakapag-asawa ng Ukrainian habang ang iba ay ayaw mawalan ng trabaho.
Sa ngayon ay ipinasisiguro ng OWWA na patuloy ang kanilang monitoring sa mga Pinoy na apektado ng giyera at sa mga magbabago ang isip ay uuwi na sa bansa.
Nananawagan din ang opisyal sa mga kamag-anak ng mga OFW na kung may mga problema sa kanilang kamag-anak ay huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa kanilang tanggapan.