KORONADAL CITY – Naitala na ang new variant ng COVID-19 sa lalawigan ng South Cotabato.
Ito ang kinumpirma ni disease surveillance officer Cecil Lorenzo matapos magpositibo sa South African variant at Brazilian variant ang dalawang umuwing mga returning overseas Filipinos (ROF) mula sa Dubai at Brazil.
Ngunit nilinaw ni Lorenzo na agad idiniretso ang mga ito sa mga government quarantine facilities sa kanilang pagdating batay na rin sa polisiya na ipinatupad ng mga local government units sa mga ROF mula sa mga red-flagged countries.
Dahil dito, napigilan daw ang pagkalat ng virus.
Ayon kay Lorenzo, sa ngayon tinututukan at sinisiguro nila na walang nahawaan ng nasabing mga variants dahilan kung bakit nagpapatuloy ngayon ang swabbing ng mga health authorities sa mga nakasama at close contact ng mga ito sa kanilang pagbiyahe sa eroplano.
Sa mga unang na-swab na close contact, pawang negatibo ang mga ito sa virus.
Negatibo na rin sa repeat swab test ang dalawang ROF at nabigyan na ng clearance ng Department of Health (DOH) na makalabas at ma-irelease sa community.
Maliban sa dalawang nakauwi, may dalawa pang taga-South Cotabato na positive sa new variants, ngunit hindi na ang mga ito nakauwi.