LA UNION – Patay ang dalawang overseas Filipino workers (OFW) habang apat pa ang malubhang sugatan nang sumalpok sa kanila ang isang itim na kotse, habang naglalakad sa gilid ng kalsada o tapat ng Lucky Plaza sa Orchard Road sa Singapore.
Nangyari ang aksidente bandang alas-4:00 kahapon ng hapon ng Linggo (December 29).
Ang mga biktima na pawang mga OFW ay may edad na 37 hanggang 56-anyos.
Base sa ipinadalang video ng isang OFW sa Facebook ng Bombo Radyo La Union na si Lyn Ladi Opinaldo, anim na pawang mga Pinay ang naglalakad sa side road nang bigla na lamang bumangga sa kanila ang kotse.
Bago sumalpok sa anim na Pinay ang kotse, unang bumangga ito sa metal railings.
Sa natanggap naman na impormasyon ng Bombo Radyo La Union mula sa ATLUDS Group (Annak Ti La Union Ditoy Singapore) kinukumpirma nila ngayon kung parehong taga-La Union ang dalawang namatay na Pinay workers, na umano’y nasa edad 41 at 50-anyos.
Isa sa dalawang namatay ay kinaladkad pa ng kotse at idineklarang patay ng dalhin sila sa Tan Tock Seng Hospital dahil sa matinding sugat na tinamo ng mga ito.
Habang ang apat na sugatan na pawang mga OFW din ay kasalukuyan pa ring ginagamot sa naturang pagamutan.
Samantala, agad namang inaresto ng Singapore police ang 64-anyos na respondent driver para sa kasong dangerous driving causing death.
Kilala ang Lucky Plaza mall sa mga foreign workers lalo na sa mga Filipino domestic workers dahil nagsisilbi itong kanilang tambayan tuwing dayoff o araw ng Linggo.
Sa ngayon nakipag-uganayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga kaanak ng mga biktima na nasa Pilipinas habang tiniyak naman ng mga employer ng mga biktima ang tulong para sa kanila.