-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Minamadaling maipatayo sa loob ng isang linggo ang dalawang ospital sa China na magsisilbi umanong isolation area ng mga kumpirmadong kaso ng novel coronavirus.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana, na-overwhelm umano ang maraming ospital sa paglabas ng sakit at dagsa ang nagpapasuri sa nararanasang “flu-like symptoms”.

Karamihan aniya sa mga ito ang hindi naman kumpirmado subalit agad na nagtutungo sa pagamutan na lantad sa mga dati nang may sakit kaya’t mabilis kumalat ang virus.

Halos lahat aniya ng lalawigan sa China ang may kumpirmadong kaso ng NCoV na dahilan upang mangailangan ng mas maraming medical volunteers.

Dahil dito, maraming opisyal mula sa iba’t ibang bansa ang umaapela sa China na magkaroon ng hiwalay na pagamutan na maga-accomodate sa mga dayuhang na may suspected case ng NCoV.

Tuloy-tuloy naman ang abiso ni Sta. Romana sa mga Pilipino sa China na paigtingin ang mga ipinapatupad na hakbangin sa pag-iwas sa naturang sakit.