-- Advertisements --
Screenshot 20210825 174907 Chrome

Posible umanong madagdagan pa ang bilang ng mga ospital na posibleng magsara dahil na rin sa isyu ng mga naantalang bayad mula PhilHealth maging ang ilang policy concern nito.

Sinabi ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) President Dr. Jose Rene De Grano, sa ngayon dalawa nang ospital na kanilang miyembro ang nagsara dahil sa kanilang mga concern.

Kabilang na raw dito ang isang ospital sa Samar at Davao.

Pero mayroon na rin umanong mga private hospitals ang nagpahayag na magsasagara pero nag-o-operate pa rin sa pamamagitan ng pagbawas ng work hours, pag-utang sa bangko para lamang maipagpatuloy ang kanilang operasyon.

Una rito, pinag-usapan ngayong linggo lamang ng mga hospital groups at PhilHealth ang circular na inilabas ng state insurer kaugnay ng pansamantala nilang pagsuspindi sa bayad ng mga claims.

Kasunod nito, ikinokonsidera na raw ngayon ng mga hospital groups na putulin ang ugnayan sa PhilHealth dahil wala na raw silang tiwala.

Nagbanta si De Grano na itutuloy nila ang kanilang plano kapag bigong bayaran ng Philhealth ang kanilang claims matapos ng kanilang pag-uusap.

Kapag nangyari ito, kailangan daw ng mga pasyente ng full payment sa mga private hospital sakaling sila ay maospital at ang mga pasyente na rin ang bahalang maghain ng kanilang mga dokumento sa mga pinakamalapit na PhilHealth branch para makuha ang kanilang claims.