-- Advertisements --

Tinupok ng apoy ang dalawang palapag na gusali sa Cartimar Plaza sa Barangay 39 sa lungsod ng Pasay.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na nagsimula pasado alas siyete ng gabi at naapula ng halos tatlong oras ang apoy.

Sinabi ni Fire Inspector Alejandro Ramos ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa lungsod ng Pasay na mabilis na kumalat ang apoy dahil sa gawa lamang sa kahoy ang mga ito.

Tinatayang aabot sa kalahating milyong pisong halaga ng mga paninda at ari-arian ang nasira dahil sa nasabing nasunog.

Nasa anim na unit din ng gusali ang natupok at ilang mga tindahan ang naapektuhan.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP sa insidente.