LAOAG CITY – Inihayag ni Mayor Albert Chua sa lungsod ng Batac dito sa lalawigan ng Ilocos Norte na dalawang pamilya mula sa Brgy. Ricarte sa nasabing lungsod ang inilikas sa evacuation center dahil sa pananalasa ng Bagyong Julian.
Aniya, habang siya ay nagpapatrolya kasama ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga kabahayan at kapaligiran ay nakita niya na nasa Alert Level na ang Quiaoit River na ngayon ay mahigpit na binabantayan.
Sabi niya, naka-deploy na ang mga heavy equipment at naka-preposition ang mga food packs para sa mga apektadong residente dahil sa hagupit ng bagyo.
Paliwag niya na bawal muna ang mga 4-wheel vehicles na tumawid sa bahagi ng Batac-Banna Road dahil sa pagbaha ng kalsada.
Wala umanong nakaranas ng matagal na pagkawala ng kuryente sa lungsod ng Batac dahil agad na rumesponde ang Ilocos Norte Electric Cooperative.
Dagdag pa niya, patuloy din nilang binabantayan ang weather forecast ng PAGASA para maagapan ang posibleng sitwasyon at epekto ng Bagyong Julian.
Una rito, sinuspinde ni Gov. Matthew Marcos Manotoc ang mga klase ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang sekondarya sa mga pampubliko at pribadong paaralan kabilang ang mga tanggapan ng pamahalaan sa lalawigan dahil sa epekto ng Bagyong Julian.
Bukod sa mga klase, kinansela rin ang trabaho ng gobyerno maliban sa tanggapan ng Commission on Elections dahil ngayong araw, Setyembre 30 ang huling araw ng voter’s registration para sa darating na 2025 Midterm Elections.
Samantala, sa ngayon ay nasa ilalim ng Signal Number 2 ang buong lalawigan ng Ilocos Norte dahil sa Bagyong Julian.