Panibago umanong dalawang batch ng kaso ang nakatakdang ihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa KAPA investment scam ano mang araw mula ngayon.
Ayon kay NBI Sarangani District Office Director Atty. Regner Pineza, ang bawat batch daw ng kaso ay binubuo ng tig-tatlong complaints.
Aniya kasong syndicated estafa na isanng non-bailable offense at paglabag sa securites regulation code ang isasampa sa mga opisyal ng KAPA kabilang ang mismong KAPA founder na si Pastor Joel Apolinario at 14 na iba pang opisyal nito.
Kinukumpleto na lamang aniya nila ang iba pang dokumento para maiprisinta sa piskalya ng Saranggani.
Noong Lunes, nagsampa ang NBI-National Capital Region (NCR) ng walong bilang ng syndicated estafa sa Department of Justice (DoJ) laban sa mga KAPA officials, bukod pa sa isinampang reklamo ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Bukod sa NBI mayroon pang tatlong pribadong indibidwal ang tumatayong complainant din sa kaso laban sa KAPA na sinasabing nakapagbigay ng kalahating milyong piso bilang “donation” noong Mayo 24 ngayong taon.
Kuwento ng 65-anyos na lolang kareretiro sa trabaho, ini-invest niya ang P500,000 sa KAPA sa paniniwalang mabibigyan siya ng 30 percent na “blessing.”
Pero makalipas ang ilang buwan hanggang nagsara ang KAPA ay wala umano itong natanggap na blessing gaya ng naipangako ng mga nang-engganyo sa kanya.