KORONADAL CITY – Nadagdagan pa ang mga bayan sa probinsiya ng South Cotabato na isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding epekto ng El Niño phenomenon.
Ito ay matapos na kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni T’boli Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) Officer Mark Tangcala na isinailalim na rin sa state of calamity ang kanilang bayan.
Ayon kay Tangcala, inaprubahan ng Sangguniang Bayan sa pamamagitan ng ordinansa ang rekomendasyon ng MDRRMC dahil sa malaking epekto ng tag-init sa mga pananim.
Sa nasabing ordinansa, binibigyan ng authority ang local chief executive na magamit ang 30% ng quick response fund na nagkakahalaga ng mahigit P5.3-milyon para sa relief and recovery program.
Sa inilabas na assessment ni Municipal Agriculture Officer Barry Lugan umabot na sa mahigit P47-million ang pinsala sa mais mula sa higit 2,000 ektarya habang nasa mahigit 2,000 rin na mga magsasaka ang apektado mula sa 24 na mga barangay.
Aminado rin si Tangcala na madadagdagan pa ang pinsala na idinulot ng kalamidad.
Sa ngayon ay nasa proseso na umano ng paghahanda sa ibibigay na tulong ang MDRRMO T’boli kung saan malaking porsiyento mula sa quick response fund ang mapupunta sa rice distribution ng LGU sa mga apektado at corn seeds naman sakaling maging istable na ang sitwasyon.
Kung maaalala, una nang nagdeklara ng state of calamity ang bayan ng Surallah.