KALIBO, Aklan – Nakalabas na ng ospital ang dalawa pang COVID-19 patients sa lalawigan ng Aklan.
Ang 66-anyos na babaeng retired government employee na taga-Kalibo, Aklan ay nahawa umano sa kanyang 69-anyos na mister na isang lay minister na may travel history sa Metro Manila at patuloy pang naka-admit sa isolation room ng Aklan Provincial Hospital.
Noong Abril 2, na-admit siya sa naturang ospital matapos magpositibo sa virus mula sa lumabas na laboratory test results sa Western Visayas Medical Center (WVMC) sa Iloilo City.
Samantala, kasabay niyang lumabas sa ospital ang 40-anyos na seaman na taga-Kalibo rin na na-confine noong Abril 5.
Sa isinagawang repeat test, nakumpirma na negatibo na ang dalawa sa sakit.
Kahit nakalabas na ng ospital ang dalawa ay isasailalim pa rin sila sa 14-day home quarantine na kinakailangan para sa mga nagkasakit ng COVID-19.
Ang kanilang second repeat test ay kapwa gagawin sa Abril 27.
Noong Abril 22, nakalabas din sa ospital ang pinakaunang COVID-19 patient sa Aklan na isang 81-anyos na lalaki mula sa Libacao, Aklan.
Simula pa noong Abril 5 ay wala nang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.